Patay na ang isang bagong silang na sanggol nang matagpuang nakasilid sa isang eco bag sa Batac, Ilocos Norte.

Natagpuan ang sanggol sa harap ng isang bahay, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Lunes.

Ayon sa may-ari ng bahay, nakita niya ang eco bag matapos na may maamoy siyang mabaho sa kanyang bakuran.

Matapos ang examination, napag-alamang hustong siyam na buwan ang sanggol bago siya ipinanganak. Naroon pa ang umbilical cord nang makita ang bangkay.

Dinala sa simbahan ang bangkay kung saan ito binendisyonan bago inilibing sa sementeryo.

Sinusuri naman ng mga awtoridad ang mga CCTV sa lugar at pati na ang mga record ng rural health unit ng mga nanganak sa lugar upang matunton ang ina ng bata. —KG, GMA Integrated News