Patay ang isang 4-taon-gulang na batang lalaki matapos aksidenteng magulungan ng pickup truck sa Bacolod City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Naglalaro raw ang bata kasama ang kaniyang mga kaibigan nang mangyari ang aksidente, batay sa salaysay ng tiyahin nito.

Lumabas sa imbestigasyon ng Bacolod City Police na nagtago ang bata sa likuran ng pickup truck malapit sa gulong.

Nang dumating daw ang driver ay hindi niya napansin na naroon ang bata. Inatras niya ang sasakyan at doon na nagulungan ang biktima.

Nagharap na ang driver ng truck at pamilya ng bata, at napagkasunduang hindi magsasampa ng kaso ang pamilya. —KBK, GMA Integrated News