Hindi na naisalba ang buhay ng isang 63-anyos na lalaki na biktima ng hit and run sa San Jose, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Banay-banay.

Hindi na makausap ng medical team ang biktima nang matadnan nila itong nakahandusay sa daan na may mga sugat sa katawan.

Isinugod siya sa ospital pero pumanaw din kinalaunan.

Ayon sa ilang saksi, tumatawid ang biktima na galing sa isang tindahan nang mahagip siya ng sasakyan na hindi tumigil.

Wala umanong CCTV sa lugar at madilim din.

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang nakabangga sa biktima, na dadalhin umano ang mga labi sa Quezon.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News