Nagtamo ng mga sugat ang isang mag-amang nakamotorsiklo nang mahagip ng isang truck na nagtangkang mag-overtake sa kalsada sa Polangui, Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng mga awtoridad na tinangkang mag-overtake ng naturang truck sa kanang bahagi ng kalye kaya nahagip ang mag-ama sa Barangay Ubaliw.

Tumugon naman ang mga rescuer at isinugod ang mag-ama sa ospital.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng truck samantalang hinihintay ang pamilya ng mga biktima kung magsasampa sila ng reklamo. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News