Patay na at nakasilid sa sako nang matagpuan ang isang babaeng pitong-taong-gulang na walang mga saplot sa katawan sa General Santos City. Ang suspek sa krimen, ang kapitbahay na senior citizen ng biktima.

Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nawawala ang biktima mula pa noong Linggo.

Pagkaraan ng tatlong araw, nakita ang kaniyang katawan na nakasilid sa sako na iniwan sa isang bakanteng lote sa Purok 9, Barangay Conel.

Hinihinalang ginahasa rin ang biktima dahil hubo't hubad ito nang matagpuan.

"May nakita kaming sako. Unang sako na nakita naming is basura. Pangalawa, 'yung sako sa dulo kaya tiningnan namin,” ayon sa residenteng Madelyn Tagalog.

Idinagdag naman ni April Zapanta na ipinakita nila sa kaanak kung sa biktima ang nakita nilang short na kinalaunan ay kinumpirma na sa biktima nga.

Hinala ng pulisya, ginahasa muna ang bata bago pinatay.

“Sinakal dito ng t-shirt na we believe na isa sa cause of death niya is asphyxia. The thing is yung binuksan yung sako, walang damit, hubo’t-hubad yung biktima so it is an indication na na-rape siya,” sabi ni Police Major Robert Fores, hepe ng Police Station 9, General Santos City.  

Suspek sa krimen ang 74-anyos na kapitbahay ng biktima. Batay sa testimonya ng ilang saksi, nakitang pumasok sa kaniyang compound ang biktima bago nawala.

Sa likod ng bahay ng suspek, may nakita ang mga awtoridad ng dalawang patalim at damit na may bahid ng dugo.

“Tumugma itong mga circumstantial and testimonial nitong ating eyewitness. Yung dalawang t-shirt na may blood stain at tsaka yung dalawang knife, I already requested for the DNA analysis examination and we are looking forward na magkaroon ng positive result that would also help us in filing solid case against the person of interest na ngayon ay naging suspek na natin sa pag-gahasa at pagpatay,” sabi Fores.

Sinubukan na kunan ang pahayag ng suspek pero wala siya sa kaniyang bahay.

Kamakailan lang, isang babaeng pitong-taong-gulang din ang nakitang patay na nakasilid sa sako sa Atimonan, Quezon.

Hinihinala rin ng awtoridad na ginahasa muna bago pinatay ang biktima na nakita sa masukal na lugar sa Barangay Tagbakin.

Susuriin ng mga awtoridad ang CCTV camera malapit sa lugar para tingnan kung makatutulong sa imbestigasyon upang matukoy ang salarin.

Isang lalaki na 20-anyos ang inaresto sa naturang krimen. —FRJ, GMA Integrated News