Patay na at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan sa loob ng sako ang isang babae na pitong-taong-gulang sa Atimonan, Quezon.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo,  sinabing hinihinala ng awtoridad na ginahasa muna bago pinatay ang biktima na nakita ang bangkay sa masukal na lugar sa Barangay Tagbakin nitong Sabado ng hapon.

Susuriin ng mga awtoridad ang CCTV camera malapit sa lugar para tingnan kung makatutulong sa imbestigasyon upang matukoy ang salarin.

Sa Facebook post ng Quezon Police Provincial Office, sinabing isang 20-anyos na lalaki ang inaresto kaugnay sa naturang krimen.

Agarang rumesponde ang kapulisan matapos matanggap ang isang ulat nang natagpuang babaeng menor na walang buhay sa Atimonan, Quezon hapon ng March 2, 2024," ayon sa post

Nasa Atimonan Police Custodial Facility umano ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News