Patay ang isang ginang na sakay ng motorsiklong minamaneho ng kaniyang mister nang makabanggaan nila ang isang nag-overtake na bus sa Taytay, Rizal.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 4:00 am sa bahagi ng Ortigas Avenue extension na sakop ng Barangay Dolores sa Taytay.

Nasawi ang 47-anyos na biktimang Josabelle Sambajon, habang natamo ng sugat sa siko ang kaniyang mister na si Feliciano, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo na kanilang sinasakyan.

Ayon kay Feliciano, galing sila sa pamamalengke ng kaniyang asawa at paliko na sa subdibisyon na kanilang tinitirhan nang biglang sumulpot ang bus na kanilang nakabanggaan.

"Pakaliwa na kami dito, dito umovertake sa kaliwa yung bus. Kaya tumama kami sa katawan ng bus, yung misis ko nalaglag, ako nakahawak sa motor," kuwento ni Feliciano.

Aminado naman ang 54-anyos na driver sa kaniyang pag-overtake na patungo sa kanilang terminal sa Antipolo.

"Malayo pa lang nakabusina na ako kasi maluwag yung kalsada," saad niya.

Hiling niya sa asawa ng biktima, "Pasensya na lang. Kasi aksidente 'yan hindi natin inaasahan 'yan."

Nais naman ni Feliciano na managot ang driver para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniyang asawa.-- FRJ, GMA Integrated News