Sumuko na ang driver ng multi-purpose vehicle (MPV) na unang nakabangga sa isang ama na tumatawid sa Antipolo, Rizal, at nasagasaan ng truck.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing batay sa impormasyon mula sa pulisya, nakausap na ng driver ng MPV ang naulilang pamilya ng biktima.

Nagkaroon na umano ng kasunduan ang magkabilang panig. Nauna nang nakausap ng pamilya ng biktima ang driver na truck.

Sa mga naunang ulat, bibili sana ng pandesal ang biktima na si Renato Lao-ang, 35-anyos, may isang anak na isang-taong-gulang pa lang, at buntis ang asawa, sa Barangay San Jose, nang mangyari ang trahedya.

Nasa gitna na siya ng kalsada at naghihintayin na makalampas ang mga dumadaang sasakyan sa kabilang linya nang mabangga siya ng MPV.

Natumba ang biktima sa kabilang linya ng kalsada na nataon naman na may dumadaan na truck kaya siya nagulungan, naging sanhi ng agad niyang pagkamatay.

Kaagad na tumigil ang truck at sumuko sa pulisya ang driver nito, habang hindi naman huminto noon ang MPV. --FRJ, GMA Integrated News