Sugatan ang isang lalaking Grade 10 student sa Davao City nang bigla siyang hampasan sa mukha ng isang lalaki gamit ang piraso ng hollow block.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, makikita sa cellphone video na nasa labas ng isang karinderya sa Barangay Crossing Bayabas sa Toril distirct ang biktima noong Biyernes.
Hanggang sa bigla na lang siyang hampasin sa mukha ng suspek na napag-alaman na 16-anyos at residente sa naturang barangay.
Tinangka pa ng suspek na hampasin muli ang biktima pero tumakbo na ito palayo nang habulin siya ng ibang kasamahan ng estudyante.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng sugat sa kilay ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA Integrated News
