Sugatan ang bise alkalde ng Datu Piang sa Maguindanao del Sur matapos na barilin habang nagtatalumpati. Inaalam ng mga awtoridad kung sniper o gumamit ng silencer ang salarin.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari kaninang umaga ang asasinasyon laban kay Vice Mayor Datu Omar Samama.
Dumalo si Samama sa Shine Convergence Program sa Barangay Maguislang, at nagbibigay nang talumpati nang bigla siyang barilin.
Isinugod ang bise alkalde sa isang lying-in clinic bago inilipat sa Cotabato City Medical Center.
Patuloy pang tinutugis ang salarin na hinihinala ng 6th Infantry Division na maaaring gumamit ng sniper rifle o nilagyan ng silencer ang baril.
“Yan yung initial description ng mga nandodoon sa area kasi malayo yung pinanggalingan. Pero inaalam pa rin natin yung details kung malayo ba ang pinanggalingan o baka may silencer lang. So inaalam pa rin natin 'yan. We are still coordinating with our PNP counterpart,” ayon kay 6ID Spokesperson, Lt. Col. Roden Orbon.
Kinondena ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pag-atake kay Samama.
Tinawag nilang "senseless" at "cowardly" ang asasinasyon na ginawa sa bise alkalde. Pag-atake rin umanoito sa peace, democracy, at rule of law sa Bangsamoro.
“Such acts have no place in a society striving for justice, good governance, and meaningful change under the leadership of the BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim,” saad sa pahayag.
Nanawagan ang MILG sa mga awtoridad na kaagad dakpin ang nasa likod ng krimen.-- FRJ, GMA Integrated News
