Nahuli-cam sa Koronadal South Cotabato ang suntukan ng tatlong lalaki sa gitna ng kalsada. Ang ugat umano ng gulo, agawan sa pasahero.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa video ang tatlong lalaki -- dalawang driver at isang konduktor-- na nagsusuntukan sa tapat ng isang terminal.
Isang babae ang nagtatangkang umawat sa kanila pero patuloy lang ang tatlo sa pagsusuntukan.
Ayon sa mga saksi, agawan sa pasahero ang ugat ng naturang gulo.
Tumigil lang ang tatlo nang pumagitna ang mga tauhan ng civil security unit ng terminal at iba pang driver.
Dinala sa barangay ang tatlo na nagtamo ng mga galos sa katawan. -- FRJ, GMA Integrated News
