Nangangamba ang isang barangay sa Iloilo City sa panganib ng rabies dahil sa isang asong pagala-gala na mahigit 20 tao na ang nakakagat pero hindi pa rin nahuhuli.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing batay sa tala ng Barangay Pali-Benedicto, mahigit 20 na ang nakagat ng naturang aso, kabilang ang ilang bata.
Noong isang taon umano problema ng barangay ang naturang aso na ilang beses nang tinangkang hulihin pero bigo.
Umaasa ang mga residente na mahuhuli na ang aso para wala na itong makagat. Nangako naman ang city veterinarian na sisikapin pa rin nilang mahuli ang aso.
Paalala ng Department of Health, kapag nakagat o makalmot o madilaan ng alagang hayop, hugasan ang sugat ng malinis at tubig, at sabunin ng limang minuto.
Lagyan ng betadine ang sugat at kaagad na komunsulta sa malapit na animal bite and treatment center. – FRJ, GMA Integrated News
