Nagpapagaling sa ospital ang isang 19-anyos na babae matapos siyang saksakin ng apat na ulit ng kaniyang dating nobyo na 20-anyos sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng biktima sa Barangay Isla noong Miyerkules.
Ayon sa pulisya, nagtago sa puno ang suspek na malapit sa bahay ng biktima at nag-abang.
Nang lumabas ang biktima para asikasuhin ang alagang mga kambing, doon na umano umatake ang suspek.
Nagtamo ng tatlong saksak sa likod at isa sa tagiliran ang dalaga.
Ayon sa pulisya, sinabi ng pamilya na nagpadala ng text message ang suspek na pinagbabantaan ang buhay ng biktima.
Hindi naman binanggit kung ano ang dahilan kung bakit gusto umanong patayin ng suspek ang biktima.
Nadakip naman ang suspek at nakuha ang ginamit ng kitchen knife sa pananaksak.
Kakasuhan ng frustrated murder ang suspek na walang pahayag. – FRJ, GMA Integrated News
