Nahuli-cam ang pagsabog sa isang pool matapos itong sabuyan ng chlorine ng maintenance staff sa isang resort sa Talisay City, Cebu. Ang 19 residente na nakalanghap ng usok, naospital.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video ang pagkalat ng tila dilaw na usok habang tumatakbo palayo ang staff matapos ang pagsabog.
Isa pang pagsabog ang sumiklab, hanggang sa tila umuusok na ang isang parte ng pool.
Kalaunan, nalanghap ang usok ng mga nakatira malapit sa resort sa lugar, kaya naospital ang 19 residente matapos makaranas ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng mata at hirap sa paghinga.
Kasama sa mga nakaranas nito ang mismong maintenance staff, na nagtamo rin ng mga paso sa mukha at katawan.
Batay sa imbestigasyon ng insidente, natuklasan ng mga awtoridad na ang isinaboy na chlorine, hindi sa tubig nakahalo kundi sa muriatic acid.
“When he mixed that chemical sa muriatic acid, siyempre nakita namin sa CCTV ay nagputukan na. ‘Yun ang reaction ng muriatic acid with water,” sabi ni Alvin Santillana ng Talisay CDRRMO.
Sinabi ng isang empleyado sa resort na aksidente ang nangyari.
“Dito nagmi-mix sa muriatic, kaunti lang. Ang laman nito, muriatic. Pero ang muriatic, chlorine, tawas, pinaghihiwalay ‘yan. Hindi pinagsasama. Paisa-isang ilalagay diyan. Kung bakit sumabog, baka nahalo niya,” sabi ni Lita Diaz, caretaker ng resort.
Naglabas na ang LGU ng cease-and-desist order upang pansamantalang ipatigil ang operasyon ng resort.
Nag-utos na rin ang alkalde ng masusing imbestigasyon.
Kasama sa mga susuriin ay kung sumunod ba ang resort sa mga kondisyon ng business permit.
“Number one, may notice to stop operation up until may recommendation and resolution ang BFP at ang City Health Office na tumulong sa mga pasyente.
Ayon naman sa resort, handa silang sumunod sa utos ng LGU, at nakikipagtulungan din sila sa imbestigasyon. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
