Naalarma ang mga tao sa isang palengke sa Dagupan City, Pangasinan nang biglang umakyat sa bubungan ng isang tindahan na nasa gilid ng ilog ang isang lalaki na hindi nila alam ang dahilan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa Magsaysay fish market na nasa gilid ng Pantal River.

Dahil palaisipan sa mga tao kung bakit umakyat ng bubong ang lalaki na may dalang bag at cellphone, tumawag na sila ng pulis.

Nakipag-usap ang pulis sa lalaki para hikayatin siyang bumaba. Kapansin-pansin na tila may nais siyang tawagan sa hawak niyang cellphone.

Ayon sa pulis, sinasabi ng lalaki na mula umano sa bayan ng Mangatarem na nais niyang magpasundo sa kaniyang ina.

Ilang saglit pa ang lumipas, isang babae na nagpakilalang hipag ang dumating ang kinausap din ang lalaki na bumaba na ngunit hindi rin niya pinakinggan.

Kaya isang pulis na ang umakyat sa bubungan para hikayatin din siyang bumaba na.

Hindi nagtagal, pumupuwesto na ang lalaki sa gilid ng bubungan hanggang sa tumalon na ito sa ilog.

Nakaantabay naman sa ilog ang isang bangka na may sakay na isang pulis at isang bangkero para alalayan ang lalaki sakaling malunod ito.

Sa kabutihang-palad, sa mababaw na bahagi ng ilog bumagsak ang lalaki at lampas lang sa hita ang tubig nito.

Ligtas na inalalayan ang lalaki at dinala sa himpilan ng pulisya para alamin kung bakit ba talaga siya umakyat sa bubong at tumalon sa ilog.

Hindi nakuhanan ng pahayag ang lalaki at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. –FRJ GMA Integrated News