Nahuli-cam ang panghoholdap ng isang lalaki sa isang burger stall, at tinangay ang aabot sa P10,000 na kita ng tindahan sa Barangay San Isidro, General Santos City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang footage na naka-duty nitong Lunes ang dalawang babaeng empleyado ng tindahan.
Kalaunan, isang lalaking nakatakip ang mukha at may tinatakpan ding panyo sa kamay ang lumapit.
Pinilit ng lalaki ang mga tindera na ibigay ang kita ng tindahan. Dahil sa kanilang takot, sumunod na lamang ang isa sa kanila at iniabot ang lalagyan ng kita may lamang aabot umano sa P10,000.
May person of interest na umano ang mga awtoridad. Kasama sa kanilang iniimbestigahan kung totoong armas ang bitbit ng holdaper.
Handa namang makipagtulungan sa imbestigasyon ang may-ari ng burger shop. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
Holdaper, tinangay ang halos P10K kita ng isang burger stall sa GenSan
Setyembre 11, 2025 4:40pm GMT+08:00
