Timbog ang isang babaeng traffic enforcer matapos siyang mangikil umano ng isang motorista ng halos P30,000 sa loob ng anim na buwan sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, sinabing inireklamo ang traffic enforcer ng isang driver na pumasok noon sa isang one-way na kalsada.
Ngunit sa halip na isailalim sa tamang proseso, naningil umano ang suspek ng P500 para sa paunang bayad.
Bukod dito, pinagbayad pa ang biktima sa pamamagitan ng online transactions na umabot sa halos P30,000 sa loob ng anim na buwan.
May pananakot pa umano ang suspek sa biktima na sasampahan niya ito ng reklamo kapag hindi kinumpleto ang bayad.
Tumangging magbigay ng kaniyang panig ang suspek.
Sinabi ng kapatid ng suspek na maaaring may nag-uutos lamang sa kaniyang kapatid.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
Babaeng traffic enforcer, huli sa pangingikil sa Iloilo City
Setyembre 18, 2025 5:17pm GMT+08:00
