Isang 65-anyos na mekaniko ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagbabarilin ng lalaking inakalang customer ng isang talyer sa San Pedro, Laguna, Biyernes ng gabi. 

Kuwento ng kaanak ng biktima sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, apat na beses daw nagpabalik-balik sa talyer ang gunman na inakala nilang customer at hindi raw makausap nang maayos.

Nang tinawag nila ang kanilang tiyuhing may-ari ng talyer upang kausapin ang suspek, bigla raw itong naglabas ng baril.

“Tinanong po ng tito ko bakit may baril ka? Ang sagot niya po siyempre may pera ako kaya ko bumili ng baril… Nasa gilid na po kami noon, sir. Wala na po kaming magawa,” ani ng kaanak ng biktima.

Tinangka pa raw ng biktima magtungo sa barangay upang magreklamo, ngunit binaril ng suspek ang kotse ng biktima habang ito ay paatras. Doon na rin pinagbabaril ng suspek ang biktima.

Agad isinugod sa ospital ang biktima.

Nahuli rin ang suspek nang siya ay bumalik sa talyer matapos ang 30 minuto.

“Kasi buhay pa yung biktima, so most probably baka may ano pa siya eh, intention. So chine-check pa namin po yun, then chine-check din namin yung probability na may kasama pa siya during sa incident,” saad ni Police Colonel Jonar Yupio mula sa Laguna Police Provincial Office.

Nakuhanan ng isang customized caliber 45 na baril ang suspek, at nahaharap siya sa reklamong frustrated murder. 

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ang biktima. —Jiselle Anne Casucian/VBL GMA Integrated News