Patay ang isang 70-anyos na kasambahay matapos siyang paghahampasin ng electric grinder sa mukha ng 45-anyos na dating caregiver sa pinapasukan niyang bahay sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing wala nang buhay at duguan nang datnan ng mga pulis ang biktima sa bahay ng amo nito sa Barangay San Isidro.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na magkasama ang dalawa bago mangyari ang krimen. Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pisikahan at humantong sa krimen.
Ayon pa sa pulisya, inalok umano ng trabaho ng biktima ang suspek na may utang sa kaniya. Pumayag naman ang suspek pero hindi rin nagkasundo ang dalawa kinalaunan.
Sa follow-up operation, natunton ang suspek sa bahay ng kaniyang anak sa Rizal matapos na ituro ng kaniyang asawa.
Ayon sa suspek, nilalait siya ng suspek at nagsasalita nang hindi maganda tungkol sa kaniyang pamilya.
Ang biktima rin umano ang unang nanakit sa kaniya.
Naagaw lang umano niya ang grinder mula sa biktima, at kaniyang inihampas sa ginang.
Nais naman ng pamilya ng biktima na pagdusahan ng suspek ang ginawang krimen.
Nakadetine na ang suspek na sinampahan ng reklamong homicide. – FRJ GMA Integrated News
