Apat katao ang nasawi matapos makasalpukan ng sinasakyan nilang kotse ang isang truck sa Barangay Dalipuga sa Iligan City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pauwi na ang mga biktima galing sa dinaluhang family reunion nang mangyari ang trahediya.

Sa tindi ng salpukan, nawasak ang harapang bahagi ng kotse na halos pumailalim sa truck.

Dinala sa ospital ang mga sakay sa kotse at idineklarang dead on arrival ang tatlo, habang binawian ng buhay ang isa pa habang nilalapatan ng lunas.

Inaresto ng pulisya ang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. –FRJ GMA Integrated News