Isang driver ng bus ang nasawi habang 19 pasahero ang sugatan matapos nitong makabanggaan ang isang trailer truck na nawalan umano ng kontrol sa STAR Tollway sa Ibaan, Batangas.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol ang truck nang pumutok ang gulong nito sa bahagi ng STAR Tollway sa Barangay Sabang.
Dahil dito, napunta ang driver ng truck sa linya ng bus, na patungong Maynila.
Nasira ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan sa lakas ng impact.
Sugatan at isinugod sa hospital ang 19 pasahero ng bus, at sa ospital na pumanaw ang driver.
Hawak na ng awtoridad ang driver ng truck na hindi pa nagbibigay ng kaniyang panig tungkol sa insidente.
Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang kumpanya ng bus.—Jamil Santos/FRJ. GMA Integrated News
