Apat ang nasawi—kabilang ang isang-taong-gulang na babae—matapos na masalpok ng isang tanker truck ang isang bao-bao tricycle sa Tagoloan, Misamis Oriental. Sa tindi ng aksidente, tumagilid ang truck at tumilapon ang tricycle at mga sakay nito.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong weekend sa Barangay Upper Sta. Ana.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, nawalan umano ng preno ang truck habang binabaybay ang pababang kalsada at natamaan nito ang tricycle na may limang nakasakay.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tricycle at mga sakay nito, habang tumagilid naman ang truck.

Ayon kay Misamis Oriental Police Provincial Office Spokesperson, Police Capt. Geraldine Botanas, dinala sa ospital ang mga sakay ng tricycle, at pati na ang driver at pahinante ng truck.

Sa kasamaang-palad, nasawi ang truck driver, pati ang tatlong nakasakay sa tricycle, na kinabibilangan batang babae, isang pang 34-anyos na babae, at isa pang babae na 61-anyos.

Nakaligtas naman ang pahinante ng truck, pati na ang iba pang sakay ng tricycle na kinabibilangan ng driver, at batang tatlong-taong-gulang, na kapatid ng batang nasawi.

Ayon sa pulisya, nagkaroon na ng inisyal nap ag-uusap ang pamilya ng mga biktima, at kompanyang may-ari ng truck.—FRJ GMA Integrated News