Sugatan ang isang lalaki matapos siyang pagnakawan at barilin pa sa General Trias, Cavite. Ang biktima, inakalang prank lang ang holdap sa kaniya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng biktima, na bibili lang sana ng kape, na nakahandusay at namimilipit sa sakit sa kalsada.
Nabaril ang lalaki sa kaniyang bandang balakang bago maghating gabi noong Huwebes.
Lumabas sa inisyal na impormasyon ng pulisya na nakaparada ang motorsiklo ng biktima, nang huminto sa kaniyang likuran ang isa pang motorsiklong may sakay na tatlong lalaki.
Hanggang sa pilit nang kinuha ng mga suspek ang susi ng motor at bag ng biktima.
“Wallet, cellphone, lahat ng cards niya nandoon, mga ID niya. Binaril pa siya dito sa may singit. Nakatakas na po 'yung mga suspek. Then naglapitan 'yung mga tao,” sabi ng asawa ng biktima.
Tinangay din ng mga suspek ang motor ng biktima, na inakala na prank lang ang insidente.
“Nilapitan siya. Sabi niya, ‘Akin na ‘to, akin na ‘to. So siya, parang na-culture shock siya na ‘Ano ‘to, prank ba ‘to?’ Kasi wala namang [nagsabi] na ‘Hold up ‘to,’” kuwento pa ng asawa ng biktima.
Kalaunan, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan ang biktima.
Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima matapos sumailalim sa operasyon.
“Napuruhan 'yung pelvic niya. Sira talaga. So kailangan talaga ng hip replacement,” sabi ng asawa ng biktima.
Sinabi ng General Trias Police na base sa mga kuha ng CCTV, nakaputing kamiseta at puting helmet ang isang suspek habang kapwa naka-jacket ang dalawang iba pa.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
