Binaha ang ilang lugar sa mga probinsiya ng Quezon at Camarines Norte nitong Linggo dahil sa ulang dulot ng shear line.

Sa Tagkawayan, Quezon, maraming lugar na ang lubog sa baha sa mga oras na ito. Hindi na madaanan ang ilang barangay roads.

Sa Gumaca, Quezon ay halos mag-zero visibility na dahil sa makapal na ulap.

Patuloy na nakaantabay ang local government unit (LGU) sa mga lugar na posibleng kailangang magpatupad ng evacuation kung sakaling magpatuloy ng ulan.

Sa Camarines Norte naman, inililikas na ang ilang residente ng Purok 4 sa Barangay Tuaca sa bayan ng Basud dahil sa abot-leeg na pagbaha nitong Linggo ng umaga, ayon sa barangay officials.

 

Mataas na ang baha sa ilang bahagi ng Camarines Norte. Screenshot from contributed video

 

Nagtulong-tulong na ang mga barangay officials sa paglilikas sa kabila ng malamig na panahon.

Nakaantabay na ang mga local Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).

Hindi na rin madaanan ang bahagi ng Maharlika Highway sa Camarines Norte dahil sa baha sa Sitio Namukanan sa Barangay Daguit sa bayan ng Labo, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol.

May na-wash out din na excavated soil sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Bulala sa bayan ng Sta. Elena kaya't hindi rin madaanan ito. Inaayos na ito ng tauhan ng DPWH Bicol.

Ayon sa PAGASA, magkakaroon ng scattered rains at thunderstorms nitong Linggo sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa shear line at Northeast Monsoon (Amihan). —KG GMA Integrated News