Isang insidente rin ng motoristang hindi umano nagbayad ng ipinalagay na gasolina sa sasakyan sa isang gas station ang nangyari sa Bacolod City.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV News nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente sa isang gasolinahan sa Barangay Mansilingan, at P500 ang halaga ng gasolina ang tinakasan umano ng driver ng isang puting sports utility vehicle.

Batay sa kuha sa CCTV camera ng gas station, makikita ang isang attendant na nagkakarga ng gasolina sa isang SUV. Ngunit nang matapos ang paglagay ng gasolina, sa halip na magbayad, mabilis na umalis umano ang driver.

Ayon kay Christine Llanes, administrative officer ng gasolinahan, hindi nila inasahan ang ginawa ng motorista na maayos naman umano ang hitsura.

Sinabi naman ng gas station manager na si DJ Harold Cabo, tinawag pa nila ang motorista pero hindi ito tumigil.

“P500 lang naman ang pina-gas niya pero grabe ang ginawa niya. Tinawag namin pero mabilis ang takbo niya. Tinakasan niya talaga kami,” saad niya.

Dahil sa nangyari, ikinukonsidera ng gas station na pagbayarin muna ang kanilang kliyente bago kargahan ng gas ang sasakyan.

Hindi naman ibabawas sa sahod ng pump attendant ang P500 na nawalang kita lalo na’t bago lang umano ito sa trabaho.

Nai-report na sa pulisya ang nangyari at nakikipagtulungan sila sa Land Transportation Office (LTO) para matukoy kung sino ang driver ng sasakyan.

Sa Quezon City, may katulad na insidenteng nangyari sa isang gas station sa EDSA na umabot sa mahigit P5,000 na halaga ng ipinakargang diesel ang hindi binayaran ng isang driver ng isang MPV (Multi-Purpose Vehicle).

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang naturang motorista.

Nangyari ang mga insidente sa harap ng sobrang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng nagaganap na kaguluhan sa Middle East.—FRJ GMA Integrated News