Dalawang photojournalist ang nasawi matapos tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog ang kanilang sasakyan sa Itogon, Benguet.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Sabado, makikita na na-stranded ang sasakyan sa gitna ng malakas na agos ng ilog sa Barangay Dalupirip, habang sakay ang mga biktima dakong 3:30 pm.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, may apat pang kasama ang mga biktima sa sasakyan at kagagaling lang sa isang graduation photoshoot sa kalapit na elementary school nang tangkain nilang tawirin ang ilog.
Kalaunan, narekober ng mga awtoridad ang sasakyan gamit ang isang backhoe.
Lima sa mga pasahero ang nailigtas at dinala sa ospital. Pero idineklarang dead on arrival ang 68-anyos na driver ng sasakyan na si Rodolfo Ong Tan, na isang photojournalist na mula sa Baguio City.
Ang ikalawang biktima na photojournalist din na si Neil Clark Ongchangco, na taga-Baguio rin, natagpuan naman ang mga labi noong Biyernes ng gabi sa kalapit na ilog.
Na-cremate na ang mga labi si Tan, habang ginaganap naman ang burol para kay Ongchangco.
Nagpahayag ng pakikiramay ang isang photojournalism group na nakabase sa Baguio sa pagkamatay ng kanilang dalawang kasapi. —Jiselle Anne C. Casucian/MCG GMA Integrated News

