Patay ang isang negosyanteng Lebanese at asawa niyang Pinay matapos silang barilin ng isang customer sa kanilang tindahan sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na nagpapa-cash in sa e-wallet ang isang lalaking customer.

Ilang saglit pa, lumapit ang kasama niyang lalaki at binaril ang mag-asawa.

Dead on the spot ang babae.

Hinabol ng lalaking negosyante ang gunman at nakipambuno sila sa kalsada.

Kalaunan, nanghina na ang Lebanese at nawalan ng malay.

Nakatakas ang mga salarin.

Sinabi ng Zamboanga City Police na dead on arrival sa ospital ang lalaking negosyante.

Nadakip nitong Lunes ang isa sa mga suspek sa Lantawan, Basilan.

Lumabas sa imbestigasyon na may kakuntsaba ang dalawang lalaki na pinagkakatiwalaan ng mag-asawang biktima.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA News