Pinagnakawan ng pinaniniwalaang Termite Gang ang isang pawnshop sa Libertad, Pasay City at tinangay ang mahigit P1,000,000 halaga ng mga alahas at P90,000 na pera matapos ang kanilang paghuhukay noong Semana Santa. Ang panloloob, posibleng inside job at nahuli ang appraiser na kasabwat umano.
Nangyari ang insidente gabi ng Abril 12, kung saan pumasok sa ilalim ng kalsada ang mga salarin matapos maghukay at walang pasok ang mga empleyado.
Lunes na ng umaga nang nadiskubre at nai-report sa pulisya ang pagnanakaw.
“Nakikita po natin doon sa loob na binaklas din po ang vault. So meron po silang nakuha doon na approximately mga P1,000,000 worth of jewelries then P90,000 in cash,” sabi ni Police Colonel Joselito De Sesto, hepe ng Pasay City Police Station.
Mula sa labas, nakitang may isa pang butas sa pawnshop.
Posible umanong tinangkang maghukay ng mga kawatan papunta sa katabing pawnshop pero hindi na nila ito napasok dahil limitado ang oras.
Hinala ng mga awtoridad, dumaan ang mga salarin sa nakabukas na manhole sa Park Avenue.
Mula sa drainage, nasa 10 minuto umanong nilakad ng mga suspek ang kanal hanggang sa makarating sila sa pawnshop.
Batay sa reenactment ng pulisya, makikita ang masikip na dinaanan ng mga salarin mula sa pawnshop papunta sa drainage. Pagdating sa gitna, maluwag na pabalik sa nakabukas na manhole.
Dito na sinamantala ng mga salarin ang paghuhukay nitong nakaraang Semana Santa.
Lumabas sa imbestigasyon na posibleng inside job ang nangyari, kung saan suspek ang mismong appraiser na unang nag-report sa pulisya.
Tila sinadya umanong patayin ang motion detector ng pawnshop noong araw na maganap ang insidente.
“Sa pag-iimbestiga po namin, nalaman po namin na siya po talaga 'yung parang naging co-conspirator doon sa loob. Kasi hindi mangyayari 'yung panloloob kung hindi siya tumulong. Siya nga po 'yung pinagkakatiwalaan na nakakaalam ng mga codes ng motion detector at saka 'yung sa CCTV. So nu’ng tignan po natin 'yung laman ng CCTV, wala na, wala na pong makitang footage doon,” sabi ni De Sesto.
Depensa ng naarestong appraiser, matagal na niyang ini-report ang kanilang problema sa CCTV.
“Before 'yun nangyari, sir, na-report ko na po 'yun sir. Noong [Abril] 8 pa lang po, nai-report ko na po 'yun na nakatalikod 'yung CCTV namin sir. Lagi naman po kasing ganoon 'yung CCTV namin, sir, na nawawalan po ng signal,” sabi ng appraiser.
Nakatakdang sampahan ng reklamong robbery ang suspek, habang patuloy ang pagtugis ng pulisya sa iba pa niyang kasamahan.
Inaalam din ng mga awtoridad kung iisa lang ang grupo na nanloob sa pawnshop at isang bangko sa Marikina City noong 2017, pati na rin sa mga kagayang insidente sa iba't ibang parte ng Cavite noong nakaraang taon. —Jamil Santos/KG GMA News
