Nasawi ang isang 13-anyos na lalaking nagbibisikleta matapos siyang mahulog sa bangin dahil sa sirang kalsada na walang sapat na harang sa Barangay Beckel sa La Trinidad, Benguet.
Sa ulat ni Zendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagbibisikleta ang binatilyo sa lugar kasama ang mga kaibigan nito nang mawalan ng kontrol at nahulog sa sirang kalsada.
Ang biktima, nagdire-diretso sa bangin na tinatayang may lalim na 30 metro. Naisugod pa sa ospital ang binatilyo pero hindi na siya umabot nang buhay.
Napag-alaman na nang mangyari ang insidente, tanging “caution tape” lang ang nakalagay na harang sa naturang sirang bahagi ng daan.
Pinaniniwalaang nasira ang kalsada noong nanalasa ang bagyong Juan.
Kaagad namang naglabas ng memorandum order si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon para alisin sa puwesto ang first district engineer at maintenance section chief engineer ng Benguet dahil sa kakulangan ng road safety signage at traffic control devices gaya ng concrete barrier sa naturang sirang bahagi ng kalsada.
Giit ni Dizon, hindi na dapat maulit ang nangyaring trahedya dahil sa kapabayaan ng mga ospisyal ng DPWH.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng nasawi, at ang mga opisyal na nabanggit.– FRJ GMA News
