Nasawi ang isang dating overseas Filipino workers matapos siyang pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa Urdaneta City sa Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Catablan nitong Martes ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing dating OFW ang 72-anyos na biktima na residente sa isang subdibisyon sa Barangay Pinmaludpod.

Tatlong basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News