Nagwakas sa tapunan ng basura sa madamong bahagi ng Barangay Poblacion, sa bayan ng Alcoy, Cebu, ang paghahanap sa isang 19-anyos na babae na tatlong araw nang nawawala. Ang biktima, patay na nang matagpuan.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jeani Pryll Belardo, na tatlong araw nang hinahanap.

Ayon kay Police Major Jose Nilo Abello, hepe ng Alcoy Municipal Police Station, ang dayuhang kinakasama ng biktima ang nag-report sa mga awtoridad noong May 26, na nawawala si Belardo matapos hindi umuwi sa kanilang bahay.

Batay umano sa pahayag ng dayuhan, Sabado niya huling nakita si Belardo sa kanilang tinutuluyang bahay.

Labis daw na nag-aalala ang dayuhan kaya niya ini-report sa mga awtoridad. Hanggang sa matagpuan na ang bangkay ng biktima noong Miyerkoles dahil sa masangsang na amoy bunga nang nagsisimula na itong maagnas.

Gamit ang GPS, natunton naman ng pulisya ang tablet na ginagamit ni Belardo sa karatig-bayan ng Dalaguete. Napag-alamang ibinenta umano ito ng biktima kay Anthony Baldogo, isang tricycle driver na taga-Alcoy rin.

Inaresto ng pulisya si Baldogo matapos na makita ang bangkay ni Belardo.

Lumabas sa imbestigasyon na sumakay ang biktima sa tricycle ni Baldogo noong hapon ng Mayo 23.

Matapos siyang maaresto, inamin umano ni Baldogo na pinatay niya ang biktima dahil hindi raw kaagad nito ibinigay ang P150 na bayad sa pamasahe.

Dinala umano ni Baldogo ang bangkay ng babae sa madamong lugar at itinuro pa sa mga awtoridad kung saan niya itinago ang patalim na ginamit niya sa pananaksak.—FRJ GMA News