Ginawaran ng full scholarship ng kanilang eskuwelahan ang dalawang first-year nursing student matapos nilang tumulong sa isang jeepney driver na nahirapang huminga sa Bocaue, Bulacan.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga estudyante na sina Precious Pescador at Joana May Barquilla na mga estudyante ng Dr. Yanga's College sa Bulacan.
Ayon kay YouScooper Precious, napansin nila ni Joana May na nanghihina at hirap sa paghinga ang drayber ng jeep na kanilang sinakyan na may byahe mula bayan ng Santa Maria sa Bulacan papuntang Monumento sa Caloocan City.
Ilang beses ding huminto ang jeep dahil sa kondisyon ng tsuper.
Dahil dito, agad na nilapatan ng mga estudyante ng paunang lunas ang drayber at binigyan pa ng tepid sponge bath.
Humingi rin sila ng tulong sa mga residente sa lugar upang matawagan ang ambulansiya.
Nasa maayos nang kalagayan ang jeepney driver.—MCG GMA News

