Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng basketball players ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Dipaculao, Aurora.
Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng DOJ na aalamin ng NBI kung may sapat na batayan para irekomenda ang pagsasampa ng mga reklamo.
“The National Bureau of Investigation (NBI) Central Office has been instructed to create a task force to conduct a thorough, comprehensive, and impartial investigation into the circumstances surrounding the incident,” sabi ng DOJ.
“The DOJ remains committed to ensuring that the facts are fully established and that justice is served,” dagdag pa nito.
Ayon sa Ateneo, naganap ang insidente ng pagkalunod ng dalawang manlalaro habang isinasagawa ang isang team-building activity sa Dipaculao.
Dating kampeon sa Palarong Pambansa at Most Valuable Player para sa Ateneo de Davao si Baterbonia, at nakatakdang simulan ang kaniyang karera sa kolehiyo kasama ang Blue Eagles sa UAAP Season 89.
Samantala, nagsilbi namang foreign student-athlete ng Ateneo noong Season 88 ang 21-anyos na si Adili, kung saan natapos ang Blue Eagles na may 6-8 na rekord.
Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Police Regional Office 3 (PRO-3) sa insidente.
“Initial findings indicate that the victims were swimming when they were reportedly carried by a strong current into deeper waters,” sabi ng PRO-3.
Patuloy ang panawagan ni Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene, para sa hustisya sa pagkamatay ng kaniyang anak.
“Bakit nila pinapalangoy 'yung anak ko na may 20 kilos 'yung bigat. Alam naman nila na mabigat yung nilagay nila sa paa at sa kamay, tapos pinaano pa nila sa dagat,” sabi ni Rovelyn.
Gayunpaman, sinabi ng Philippine National Police (PNP) sa Dipaculao na walang nakitang mga pabigat na ikinabit sa dalawang atleta nang malunod ang mga ito.
Nauna rito, sinabi ng PNP Aurora Provincial Office na walang nakitang ebidensya ng foul play ang mga imbestigador sa pagkamatay ng 19-taong-gulang na si Baterbonia at ni Adili.
Inilarawan ng mga awtoridad ang insidente bilang isang "pure accident." —VBL GMA News

