Patay ang isang rider matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa likuran ng isang truck sa Pozorrubio sa Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Alipangpang noong Lunes ng hapon.

Sa CCTV footage, makikita ang truck na huminto sa national highway para umano lumiko. Ngunit ilang saglit lang, bumangga na ang motorsiklo ng biktima sa likod ng truck.

Isinugod siya sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

Nais ng mga kaanak ng biktima na maibestigahan ang insidente dahil hindi umano malinaw kung naka-signal light ba ang truck nang huminto ito.

Idinagdag pa na imposible rin daw na dadaan ang biktima sa outer lane dahil may mga bahagi ng kalsada ang ginagawa.

“Matatanggap naman namin kung sakali man na may naging pagkakamali yung anak ko. Pero gusto ko ring makita kung ano ang totoong nangyari kasi isang portion lang iyon… yung another part ng CCTV kung mayroon,” ayon sa ina ng biktima na si Juliet de Guzman.

Sa ulat ng pulisya, nakasaad na lumalabas na bago lumiko ang truck ay nag-signal light naman ito.

Bagaman nagkaroon na umano ng pag-uusap ang mga kaanak ng biktima at driver ng truck, desidido pa rin ang pamilya ng rider na sampahan ng reklamo ang driver.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng truck, ayon sa ulat.—FRJ GMA News