Sa kulungan ang bagsak ng isang delivery rider dahil sa panghoholdap sa isang burger stand sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City. Ang suspek, aminado sa ginawang krimen dahil baon daw sa utang.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage ang pagdaan ng isang motorsiklo sa E. Rodriguez Avenue pasado 2 a.m. noong Biyernes.
Sunod na siyang namataan sa CCTV camera na lumiko sa Balete Drive matapos na gawin ang krimen.
Ang 34-anyos na babaeng empleyado ng burger stand na hinoldap, labis na trauma ang naranasan.
Aniya, umorder muna ang suspek ng dalawang burger bago nagdeklara ng holdap.
“Noong binigay ko na po ‘yung order niya, saka siya nagdeklara [ng holdap]. Sabi niya, ‘Holdap ‘to, akin na ‘yung pera diyan,’ sabi niya. Tapos noong una po, itinatanggi ko po na ‘Walang pera sir, wala pa pong benta.’ ‘Babarilin kita,’ ginanu’n niya. Nilabas niya lang po ‘yung baril tapos nakatutok sa akin. Doon ko na po ibinigay ‘yung pera ta’s nagmakaawa na po ako, ‘Huwag po kasi may mga anak po ako,’” kuwento ng babaeng empleyado.
Halos P5,200 na kita ng burger stand ang natangay ng suspek na ibabawas umano sa sahod ng babae.
“Mahirap po sa akin sir kasi isang buwan ko pong hinintay ‘yung sahod, tapos pagdating ng sahod wala rin palang matitira,” anang biktima.
Nasundan ng pulisya ang suspek sa ginawa nilang backtracking sa mga CCTV camera, hanggang sa pagtigil nito sa isang tindahan sa Marikina.
Gayunman, natuklasang peke ang plaka ng sinakyan niyang motorsiklo, batay sa beripikasyon ng pulisya sa LTO.
“Itong suspek, from the last place of incident, nagpalibot-libot pa ito sa area ng Quezon City. Then nagkaroon kami ng break noong nagpa-cash in siya sa e-wallet niya doon sa may bandang Marikina. Nakuha natin ‘yung number niya noong nag-inquire kami sa tindahan. Then in-exploit natin ‘yon,” sabi ni Lieutenant Colonel Morgan Aguilar, Commander ng Galas Police Station.
Nadakip ang 42-anyos na suspek nitong Martes sa San Jose del Monte, Bulacan matapos dumalo sa kaarawan ng kaanak.
Nabawi rin ang gun replica, motorsiklo, at mga pekeng plaka.
Isang delivery rider ang suspek, na ilang ulit nang nadawit sa pangho-holdap.
“Sabi niya is baon siya sa utang dahil sa online gambling. Ang modus niya is lilibot-libot muna kasi nga nagdi-deliver siya. ‘Pag talagang okay na holdapin, tsaka niya tutuluyan. Bumira na sila sa, sa Cainta, sa Marikina, sa QC,” sabi ni Aguilar.
Nasa kustodiya na ng Galas Police ang suspek, na umamin sa krimen.
“‘Yan lang po ang naisip ko ma'am para makakuha ng pera. Ipambabayad nga po sa utang, tsaka sa pambayad ng upa,” anang suspek.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nahuli ang suspek sa Bulacan dahil sa pagnanakaw.
Maharap naman ang suspek sa reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. – Jamil Santos/FRJ GMA News
