Nagbigay ng pahayag si AiAi delas Alas kaugnay ng muling pagpapakasal ng kaniyang dating asawa na si Gerald Sibayan. Biro niya, mabuting hindi siya kinuhang ninang sa kasal dahil mapipilitan siyang magbigay ng payo sa bago nitong misis. Ano kaya ito? Alamin.
Sa pilot episode ng talk show na “Kalurks” sa GTV, kinumpirma ni AiAi na nalaman na lamang niya sa pamamagitan ng kaibigan ang tungkol sa muling pag-aasawa ni Gerald.
“Wala. Parati naman akong walang idea sa gagawin niya sa akin eh,” sabi ni AiAi.
Samantala, deadma naman daw ang kaniyang mga anak sa pinakabagong nangyari sa kaniyang ex-husband.
“Kasi, two years na rin naman kami na waley na,” sabi ng Comedy Queen.
Biro naman ni Ai-Ai, nagpapasalamat siya na hindi siya kinuhang ninang sa kasal ni Gerald.
“Pero ang masasabi ko lang talaga, na buti na lang, dito sa pangyayari na ‘to, nag-trend na, buti na lang, hindi niya ako kinuhang ninang,” sabi niya.
“Kasi, ‘pag ninang ka, bawal kang tumanggi. So, kung bawal kang tumanggi, ako na ‘yung magiging second na magulang nila. So, siyempre, kung second na magulang ako, bibigyan ko ng payo ‘yung girl. Sasabihin ko sa kaniya, ‘Girl. O, mag-ingat ka. Baka mamaya, magaya ka sa akin,” dagdag niya.
“Malay mo, 10 years from now, 5 years from now, 2 years from now, magiging ang tanging ina ka rin,” sabi pa ni AiAi.
Wala namang hiniling si AiAi kundi kabutihan ng kaniyang dating asawa.
“I wish him well. Kasi ‘di ba, ayoko naman nang mag-wish sa tao ng hindi maganda,” sabi niya.
Sa kabila nito, nananatiling nakangiti si AiAi matapos ang hiwalayan nila ni Gerald.
“Kasi natuto na ako na namanhid na ako,” aniya.
Inilahad ni AiAi ang kaniyang natutuhan pagdating sa pag-ibig.
“Siguro ang maipapayo ko lang sa kanila du’n sa girls. Mahirap kasing magpayo, kasi hindi naman natin alam kung ano-ano ang mga kapalaran natin. Magpayo man ako, tapos suwerte ka talaga sa pag-ibig. May suwerte, may hindi. Kasi, naniniwala ako na ang pag-aasawa, suwerte ‘yan,” ayon sa aktres.—FRJ GMA News
