Kahanga-hanga ang pagpupursigi ng isang binata na mula sa pagiging food delivery biker, nakapasok siya sa airline industry, hanggang sa makapag-aral na rin upang abutin ang kaniyang pangarap na maging isang piloto.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” itinampok ang kuwento ng tubong Cebu City na si Zedric Von Schneider, na dating masagana ang buhay noong bata dahil real estate brokers ang kaniyang mga magulang.
Ngunit nang maging 11-anyos siya, bumaligtad ang kanilang mundo nang malugi ang kanilang negosyo.
Ayon kay Zed, taong 2007 nang nagkaroon ng economic crisis at dumating ang condominium era, kaya pababa nang pababa ang income ng kanilang pamilya. Kalaunan, nalubog pa sa utang ang kaniyang mga magulang.
Unti-unting ibinenta ng kanilang pamilya ang mga sasakyan at lupain.
“Dumating sa punto na lagi kami tinatawagan ng mga credit card, naniningil. Tapos ako ‘yung pinapasagot ng magulang ko. Sinasabi ko, wala sila,” pagbahagi niya.
Dahil sa karanasan, tila nawalan ng direksyon at pangarap si Zed, at itinuon na lamang ang pansin kung paano makakatulong sa mga gastusin sa bahay. Kabilang sa kaniyang pinasok ang pagiging host sa mga event at naging extra sa TV at pelikula.
Sinubok pa ang katatagan ni Zed nang matigil ang mga raket dahil sa pandemya, kaya pinasok niya ang pagiging food delivery biker.
“Twenty three years old lang ako noon. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Wala akong pera para man lang siya isang second hand na motor. Ang ma-afford ko lang noon is bisikleta. At nag-apply na ako sa mga food delivery apps,” emosyonal niyang sabi.
Minsan na rin siyang nabangga ng motorsiklo habang naghahatid ng pagkain. Gayunman, hindi siya nagpatinag sa lahat ng hirap na kaniyang hinarap.
Mula sa mga P1,500 na kinikita sa pagde-deliver kada araw, nakaipon si Zed ng pera na nagamit niya nang magdesisyon siyang mag-career shift sa mas stable na trabaho sa airline industry.
“Wala akong experience bilang working professional. Sinubukan ko lang, pakipagsapalaran. At sa awa ng Diyos, natanggap naman. At ito ako ngayon. Isa akong full-time cabin crew sa local airline natin,” masaya niyang pagbabahagi.
Nabigyan si Zed ng pagkakataon na makapasok sa cockpit ng aeroplano, at pinangarap na maging isang piloto.
Dahil sa pagpupursigi, nakapag-ipon si Zed. AtSs tulong na rin ng loan, nakakuha siya ng kurso para maging isang ganap na piloto.
Tinatayang nasa dalawang taon pa ang kaniyang bubunuin sa flying school. Ang milyong-milyong gastusin, paghihirapan niya sa tulong ng pagiging flight attendant.
“Gusto kong sabihin na hindi imposible. Hindi imposible,” sabi ni Zed.
Kamakailan, nabigyan siya ng aviation baptism, na isang tradisyon kung saan magiging ganap ng independent pilot ang student pilot na matugumpay na nakalipad nang solo. – FRJ GMA News
