Nasa P46 milyon umano ang kabuuang halaga na "maling" na-withdraw ng ilang depositor ng Bank of the Philippine Islands (BPI) bunsod ng aberya sa kanilang sistema noong June 7 at 8. Kung hindi isasauli ang perang nakuha, may pananagutan ba sa batas ang mga depositor? Alamin.

Ayon kay Atty. Gaby Concepcion sa "Kapuso Sa Batas" sa "Unang Hirit" nitong Biyernes,  ang kaso ay depende pa rin sa halagang na-withdraw.

Paliwanag niya, dapat masunod ang "solutio indebiti," na ang isang tao ay dapat magbalik kahit walang usapan dahil nakasaad sa batas na, "No one shall be unjustly enriched at the expense of others."

Nangangahulugan umano ito na hindi dahil sa nagkaroon ng pagkakamali ang isang bangko ay puwede nang itago ng depositor ang pera na maling nadagdag sa kaniya.

Patuloy pa ni Atty. Gaby, dahil nagkaroon ng glitch at nagkamali ang bangko, ang depositor ngayon ang magsisilbing katiwala ng tunay na may-ari ng pera na hindi tamang nadagdag.

Nilinaw ng abogada na na hindi ito isang kaso ng "finders' keepers" dahil na rin sa nangyaring aberya na mayroon ding mga deposito na nabawasan naman.

"Kung makahanap kayo ng hindi sa inyo, dapat lang ay ibabalik niyo sa may-ari," simple niyang paliwanag.

Binanggit din ni Atty. Gaby na nagkaroon na ng dating kaso na may mga depositor na nagkaroon ng malaking pera sa account nila at dali-daling namili ng properties sa America.

Sinabi niyang hindi ito, "in good faith."

Saad ni Atty. Gaby, ang ganitong usapin ay maaaring maging kaso ng theft o estafa. Pero sa ilang kaso ng Korte Suprema, ito ay kadalasang "crime of theft as provided for by The Revised Penal Code."

"Simple lang ang theft - A personal property that belongs to somebody else, kinuha mo 'yung pera with the intent to gain from it na walang consent ng owner."

Ngunit sinabi niyang puwede rin itong maging estafa, kung saan ginagamit mo ang pera "for another purpose or it was given to you entrust."

Sa huli, nilinaw ni Atty. Gaby na ito ay teoretikal lamang, dahil maaari pang ikonsidera kung may mga depositor na nag-withdraw ng napakaliit na halaga at walang intensyon na kunin ang pera at maituturing na "negligible."

"Kung hindi sa inyo, kailangan pong ibalik, kasi pwedeng magkaroon ng civil na kaso to collect the money or criminal if they can prove."

Nauna nang sinabi ng BPI na naayos na ang kanilang sistema at naitama na ang mga balanse ng kanilang mga kliyente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News