Sa nakaraang episode programang "Reel Time," kabilang sa tinalakay ang pagbibisikleta bilang alternatibong paraan ng transportasyon ng mga manggagawa patungo sa kani-kanilang trabaho. Pero uubra kaya ito sa mga kalsada natin sa Metro Manila?

Ayon kay Zieg Tercias, presidente at founder ng Bike to Work Pilipinas, sinabi niya na bilang mga empleyado, gusto ng mga Pinoy na pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho na malinis at preskong tingnan.

Iyon nga lang, dahil sa matinding trapiko at pakikipagsiksikan at unahan sa jeepney, MRT at LRT, nagiging amoy mandirigma na umano ang mga manggagawa pagdating sa kanilang trabaho.

Lumitaw umano sa pag-aaral na kabilang ang Metro Manila sa 10 pinaka-stressed na lungsod sa buong mundo, at isa sa mga dahilan nito ay ang masikip na daloy ng trapiko.  Sa ganitong sitwasyon, mabisang paraang ang bisikleta upang makarating sa trabaho nang mas maaga.

Bagama't mapapawisan ang isang commuter na nagbisikleta, lulusog naman umano ang kaniyang katawan dahil isa rin itong paraan ng ehersisyo.

Ngunit ligtas nga ba ang gumamit ng bike sa Pilipinas?

Ayon kay Ching Salina, Chief T/Insp. III ng MMDA, naging problema ang pagkakaroon ng mga protected bike lane sa Metro Manila dahil na rin sa istruktura ng mga kalsada na peligroso sa mga siklista.

Dagdag niya, ilan sa mga bike lanes na itinayo ng MMDA ay nasa pedestrian lane o mga kalye na putol-putol at hindi talaga laan para sa mga siklista.

Nais ni Salina, na magkaroon ng sapat na proteksyon ang mga nagbibisikleta sa mga bike line na dapat ay may mga awtoridad na nagpapatrolya.

Sa isang pagdinig na ginawa ng Kongreso tungkol sa paggawa ng batas sa bike lane, positibo umano ang naging pagtingin dito ng mga dumalong mambabatas.

Hangad ni Salina na magkaroon ng "connectivity" o mapagdugtong ang mga kasalukuyang bike lane, at madagdagan pa. Ginawa niyang halimbawa ang pagbiyahe simula sa Marcos Highway na lulusot sa Katipunan Ave.-Commonwealth Ave.-Quezon Avenue.

Maganda rin umano na magkaroon ng daan patungo sa Instramuros at diretso sa Roxas Boulevard, Macapagal, Coastal Road, at Edsa.

Aminado naman si Salina na magiging "madugo" ang Edsa dahil na rin sa dami ng sasakyan na gumagamit nito pero hindi siya nawawalan ng pag-asa.

Sabi naman ni Erwin Paala, presidente ng Families of Road Victims and Survivors Association, 20% umano ng sahod ng mga manggagawa ay napupunta sa pamasahe o pang-gasolina.

Kaya naman malaking halaga umano ang matitipid ng manggagawa, o magagamit niya sa ibang mahalagang pangangailangan ang matitipid sa kaniyang pamasahe. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News