Isang mahalagang parte ng buhay ang pagreretiro dahil ito ang panahon na tumitigil na ang isang tao sa pagtatrabaho at nang ma-enjoy na niya ang kaniyang buhay.
Ngunit ayon sa survey ng Global Aging Institute at Pru Like Uk nitong 2015, 90 porsiyento, o siyam sa bawat 10 manggagawang Pinoy ang nag-aalala ng mahirap na buhay kapag sila ay nagretiro.
Upang maiwasan na dumating sa yugto ng buhay na magiging problema ang pera kapag tumigil na sa pagtatrabaho, nagbigay ng ilang tips ang registered financial planner na si Randell Tiongson kung paano dapat planuhin ang pagreretiro.
* Maagang magplano sa pagreretiro - Maigi na magsimulang magtabi at mag-invest sa edad na 30 o 40 para sa retirement. Mas maaga, mas mabuti. Mahalaga ang oras pagdating sa pag-iipon at pag-i-invest.
* Maglaan ng parte ng sahod para sa pagreretiro - Ang pagtatabi ng tiyak na halaga para sa pagreretiro ay depende sa kakayanan ng isang tao. Mabuti ang 10% ng sahod ang maitatabi pero mas maganda kung mas malaki.
* Humanap ng angkop na investment tool - Hindi natatapos sa paglalaan ng porsyento ng kita sa paghahanda para sa pagreretiro. Kailangan din na maglagay ng pera sa mga investment tools kung saan ito ay ligtas at may potensyal na lumago. Kabilang na rito ang stock market, equity mutual funds, unit investment trust fund at real estate. Depende sa tao ang kaniyang risk tolerance.
* Mag-isip ng pangmatagal - Ang pagpaplano sa pagreretiro ay mabuti at mas madali kung ito ay ginagawa sa mahabang panahon.
* Huwag sumunod sa tradisyon - Iwasan ang tradisyon at kultura na hihingi sa mga anak ng pinansyal na tulong pagtanda. Magagawa ito kung mapaghahandaan ang pagreretoro..-- , sa pamamagitan ng maayos na pagpaplano. -- John Ted Cordero/Jamil Santos/FRJ, GMA News
