Isang insidente ng pagsabog ng LPG sa loob ng bahay sa Lucban, Quezon, ang kumitil sa buhay ng isang 81-anyos na lola, at muntik pang makadamay ng ilang residente. Kaya mahalagang malaman ang mga dapat gawin kapag nakaamoy ng sumisingaw na tangke ng LPG.

Sa nakaraang episode ng programang "Alisto," makikita sa CCTV video na halos mahagip ng lumilipad na pinto ang anak ni Mia dela Cruz-Balmeo at isa pang residente.

"Una ko pong naisip, yakapin ang anak ko kasi hindi ko alam kung saan ang pagsabog, kung saan nanggaling, bomba ba o ano. Kaya ang una kong ginawa, sinecure (secure) ko agad siya," sabi ni Balmeo.

Kamuntikan ding madamay ang dumaan na tricycle ngunit sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang driver.

Ngunit ang lola na may-ari ng bahay na nakaupo noon sa labas ang napuruhan at nasawi.

"Sira po 'yung damit niya sa likod, ang natira na lang po is 'yung sa harap. Sobrang init po ng likod niya. And sunog na sunog po 'yung buhok niya, amoy na amoy. Sigaw po siya nang sigaw," sabi ng saksi.

Mabilis na isinugod sa ospital ang lola, ngunit nasawi rin matapos ang isang linggo dahil sa kumplikasyon dulot ng mga lapnos sa katawan.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, lumabas na may tagas ang hose ng LPG kaya ito sumabog. Substandard din ang tangke ng LPG.

Nagbigay ng safety tips ang DOE hinggil sa paggamit ng LPG sa bahay:

1. Suriin ang rubber tubes ng LPG.
2. Palitan ito ng dalawang beses sa loob ng isang taon.
3. Huwag ilagay ang tangke ng LPG sa loob ng mga closed compartment gaya ng tokador dahil posibleng mag-init ang tangke sa kulob na kinalagyan nito.
4. Siguraduhing hindi mainitan o mauulanan ang LPG.

Narito naman ang mga dapat gawin kapag naamoy na may tagas o sumisingaw ang tangke ng LPG:

1. Buksan ang lahat ng pinto at bintana ng bahay.
2. Patayin ang regulator ng tangke ng LPG.
3. Ilabas sa bahay ang tangke ng LPG at agad tawagan ang distributor nito.
4. Huwag magbubukas ng kahit anong appliances na gumagamit ng kuryente.
5. Huwag magsisindi na gamit ang lighter o posporo.

--FRJ, GMA News