Namaalam man sa edad na 46, nananatili namang buhay ang mga alaala ng batikang reporter, dokumentarista at filmmaker na si Cesar Apolinario.
Balikan ang kaniyang naging dedikasyon sa larangan ng pagbabalita, at kung bakit binansagan siyang "Standupper King."
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing ipinanganak si Cesar noong Mayo 11, 1973 bilang bunso sa walong magkakapatid sa Novaliches.
Latero ang kaniyang tatay samantalang inaasikaso ng kaniyang nanay ang mga labada. Sinabi niyang "hindi ganoon kaganda" ang kanilang buhay.
Dahil sa kanilang sitwasyon, naging "takatak boy" si Cesar sa lansangan para kumita. Labinglimang taong gulang naman siya nang mag-gasoline boy, at pumasok din sa fastfood chain.
Pinalad si Cesar at nakapagtrabaho sa Bahrain bilang isang cook noong 17-anyos siya. Dalawang taon ang itinagal niya roon.
Nang makaipon, tinapos ni Cesar ang kaniyang pag-aaral ng Communication Arts sa University of Santo Tomas.
Hanggang sa makilala na si Cesar bilang GMA News reporter na may dedikasyon sa trabaho at hindi alintana ang mga panganib sa coverage.
Naging host din siya ng Kapuso magazine show na "iJuander."
Ayon sa asawa niyang si Joy Apolonario, hangga't maaari ay ayaw ipaalam ni Cesar ang kaniyang sakit na lymphoma o cancer sa lymph nodes.
Maging ang nanay niyang si Herminia Apolinario, huli na nang malamang namaalam na si Cesar.
Tatlong anak ni Cesar ang nangungulila sa kaniyang pagpanaw, kasama si Joy.
Sinabi pa ni Joy na maysakit man, nami-miss pa rin daw ni Cesar ang mag-coverage at shoot ng mga balita. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
