Hindi kinalimutan ng isang anak na magbigay-pugay sa namayapa niyang ama na itinaguyod ang pag-aaral nilang tatlong magkakapatid at pagpapagamot sa kanila sa pamamagitan ng pamamasada ng tricycle.

Ayon kay Jan na bunsong anak ni Nomeriano Capacio, nakita niya ang pagsasakripisyo ng kaniyng ama lalo na noong nagkaroon siya ng bone tumor at na-stroke pa ang kaniyang ina.

Pagbahagi niya sa social media post, maghapon daw namamasada ng tricycle ang kaniyang ama at pagkaraan ay suma-sideline bilang dispatcher sa madaling araw para kumita ng nasa P800 hanggang P1,000 sa isang araw.

Nakapagtapos ng kolehiyo si Jan sa Lyceum of the Philippines University noong 2018, at isang taon makalipas nito ay pumanaw na ang kaniyang ama.

"Saglit mo lang naranasan ang katas ng lahat ng paghihirap mo, Tay. Pero alam ko masaya ka na d'yan na nakikita kaming maayos," mensahe ni Jan sa kanyang ama na yumao noong nakaraang taon.

Hanggang sa huli, hindi sila pinabayaan ng kanilang dakilang ama.--FRJ, GMA News