Anim na taon gulang lang noong 1989  si Maribel Perez nang mawala siya sa Divisoria at ampunin ng nakakita sa kaniyang tindera. Hanggang noong 2012, may nag-chat kay Maribel na nagtatanong na baka siya ang nawawala nilang kaanak.

Si Mylene ang nagpadala ng chat kay Maribel na nagsabing Maribel din ang pangalan ng nawawala niyang kapatid sa Divisoria, at sa kaparehong taon din nang nawala si Maribel (Perez).

Sa kagustuhan ni Maribel na malaman ang katotohanan, nakipag-ugnayan siya kay Mylene at nakilala ang ina nito na si Aling Virginia.

Dahil sa naramdamang "lukso ng dugo," naniwala si Maribel na si Aling Virginia ang tunay niyang ina, at ganoong din ang naramdaman ni Aling Virginia, na si Maribel ang nawawala niyang anak.

Pero may agam-agam ang kumopkop si Maribel kung si Aling Virginia talaga ang tunay niyang ina.

At pagkaraan ng walong taon mula nang ituring nina Maribel at Aling Virginia na mag-ina sila, isinailalim sila sa DNA test para malaman ang katotohanan.

Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang resulta ng DNA test. Tunay nga kayang silang mag-ina, o sumablay sa pagkakataong ito ang tinatawag na "lukso ng dugo"? Panoorin.

--FRJ, GMA News