Malamang na mapapasana-"sana all" ang maraming Pinoy sa isang dating seaman na napaibig ang isang 22-anyos na dilag na mula sa Finland na pang-international beauty pageant ang ganda.

Ang Finnish na si Jasmina, nasa Cebu ngayon at kasama ang kaniyang nobyong si Bryan na dating bartender sa isang cruise ship kung saan din niya nakilala ang dalaga.

Kuwento ni Jasmina, circus ang negosyo ng kanilang pamilya sa Finland at naisipan na mag-ikot sa iba't ibang bahagi ng mundo hanggang sa makilala niya si Bryan, na mula sa Agusan del Norte.

Sa kabila ng kaniyang ganda, aminado si Jasmina na mayroon siyang insecurity sa sarili at nakakatanggap ng hindi magagandang komento tungkol sa kaniyang hitsura sa kanilang bansa.

Si Bryan naman, aminadong may pagkababaero noon kahit hindi naman kagwapuhan. Pero nagbago na raw siya nang makilala niya si Jasmina na kaniyang naging nobya matapos ang dalawang buwan na ligawan.

Dahil na rin sa hiling ni Jasmina, hindi na muling sumampa ng barko si Bryan dahil nangangamba ang nobya na baka may makilala siyang iba.

Papaano nga ba sila nagkakilala ang dalawa at anong diskarte ang ginamit ni Bryan para mabihag ang puso ni Jasmina? Panoorin ang kanilang love story sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News