Sa pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19, kasamang nadidinig ang tinatawag na "herd immunity." Ano nga ba ang herd immunity na sinasabing makakapagprotekta sa mga "vulnerable" na hindi maaaring bakunahan?

Sa "Need To Know" ng GMA News, ipinaliwanag ni Marilen Balolong, professor ng Microbiology sa UP Manila, na ang herd immunity ay ang pagprotekta sa kabuuang populasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng immunity o  bakuna sa bahagi lamang ng populasyon, o sapat na dami ng tao.

"'Pag naging immune sila [sapat na dami ng tao], puwede mong maprotektahan 'yung mga vulnerable o susceptible groups pa na puwede ring magkasakit," ayon kay Balolong.

Kabilang sa vulnerable groups ang mga may allergic reaction sa bakuna, mga tao na mahihina ang immune system, o mga matatanda at sobrang bata.

May dalawang klase ng paraan para makamit ang herd immunity -- una ang natural infection at pangalawa, ang artificial intervention gaya ng pagbibigay ng bakuna.

Pero ayon kay Balolong, hindi magandang pamamaraan ang natural infection kung saan hahayaang magkasakit ang mga tao para magkaroon sila ng sariling immunity.

"Gusto natin ng isang intervention kagaya ng vaccination... Sa halip na i-expose mo ang sarili mo sa pathogen, sa virus, puwede kang mayroong artificial intervention. Similarly, like natural infection, you would also produce the anti-bodies or protection na kailangan mo para gumaling," anang doktora.

Para maisagawa ang herd immunity sa paraan ng pagbabakuna sa sapat na dami ng tao, maraming factor na dapat ikonsidera sa pagtatakda nito.

Una na ang reproduction number ng isang sakit na nagsasabi kung ilan ang mahahawa mula sa isang kaso. Pangalawa ang "efficacy" ng bakuna.

Pangatlo naman ang populasyon.

"Based doon sa data ng SARS COV 2 naglalaro na ang puwedeng gawing target ng herd immunity ay between 60 to 70 percent. So kailangan mo mabakunahan sa Pilipinas siguro mga 65 million," ayon kay Balolong.

Matapos nito, kailangan nang isaalang-alang ang logistical issues na gagawin ng isang bansa para makamit ang herd immunity, tulad ng kung paano gagawin ang pagbabakuna, sino ang unang dapat makatanggap nito at sino ang at-risk population na dapat unang makakuha.

Panoorin sa video na ito ng Need to Know ang buong pagtalakay sa herd immunity. --FRJ, GMA News