Kahit 18-anyos na si Jewelyn, parang pang-pitong-taong-gulang lang ang kaniyang katawan dahil sa kaniyang karamdaman na cerebral palsy at meningitis.
Sa "Reporter's Notebook," sinabi ni Rolando Niangar, na anim na buwan pa lang ang kaniyang anak nang ma-diagnose ang karamdaman ni Jewelyn.
Hindi nakalalakad at nakapagsasalita ang dalaga, ngunit naiintindihan naman daw ng ama ang mga daing nito.
Para mapakain si Jewelyn, sa ilong idinadaan ang tinimplang gatas ni Rolando na pinapadaan sa tubo. Gayunman, dahil sa kahirapan ng kanilang buhay, may mga pagkakataon daw na hindi siya nakakabili ng gatas.
Nagtatrabaho bilang kasambahay ang kaniyang asawa, at P3,000 kada buwan lang ang ipinapadala para sa gastusin ng pamilya.
Kulang na kulang ito dahil mahigit P4,600 sa loob ng isang buwan ang kailangan ni Mang Rolando para sa apat na beses na therapy ni Jewelyn at pamasahe patungong Philippine Children's Medical Center.
Upang matiyak na may mag-aalaga sa anak, si Mang Rolando na ang tumutok kay Jewelyn. Kaya naman hindi maalis sa kaniyang isip ang pangamba na papaano na ang anak kapag nawala siya.
Tunghayan sa video ang sakripisyong ginagawa ni Mang Rolando para sa anak--mula sa pag-aalaga sa bahay hanggang sa pagbuhat upang ibiyahe ng mahigit isang oras patungo sa ospital.
At ano ng ba ang maaaring asahang tulong ng mga tulad niya para sa pagpapagamot ng mga batang may developmental disability? Panoorin ang report na ito ng Reporter's Notebook.
--FRJ, GMA News
