Matapos ng 14 na taon mula nang magkahiwalay silang ipaampon ng kanilang magulang sa Davao Oriental, aksidenteng nagtagpo sa isang pasyalan ang kambal na sina Jericho at Rennier. Sa pangyayaring ito, mahanap na rin kaniya ng dalawa ang kanilang tunay na ina?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman sa tulong ng nagpakilalang tunay na tiyahin at kadugo ng kambal, na ang tunay na ina umano ng dalawa ay naninirahan na ngayon sa Basey, Samar-- si Janeth.

Nagtungo sa Samar ang "KMJS" team at nakausap doon si Janeth. Inamin niya na mayroon nga siyang kambal na anak na lalaki na ipinaampon noon sa Mati City sa Davao.

Kuwento ni Janeth, 16-anyos lang siya noon nang makilala niya at mapaibig ng noo'y 30-anyos na ama ng kambal.

Iisa lang daw ang amo nila noon sa Davao at nagtatrabaho bilang family driver ang ama ng kambal.

Hanggang sa ang kanilang pag-iibigan, nagbunga ng kambal na lalaki na pinagngalanan niyang Dexter at Daniel.

Kuwento pa ni Janeth, wala raw siyang gatas noon at nahihirapan siya kapag umiyak ang kambal.

Hanggang sa mapagdesisyonan nila ng kaniyang kinakasama na ipaampon ang kanilang kambal na anak.

"Wala naman akong magawa kasi wala naman akong panggastos sa kanila. Hindi ko na nakita mula nang ibigay ng tatay. Naniniwala naman ako noon sa kanila kahit hindi ako nagbigay ng tulong na mabuti ang kalagayan nila," ani Janet.

Makaraan nito, nagkaroon pa muli ng mga anak sina Janeth at ang kaniyang kinakasama ng isang babae at isang lalaki.

Pero kinalaunan, naghiwalay din ang dalawa matapos niyang matuklasan na may iba pang babae ang lalaki. Nagpasya na si Janeth na manirahan sa Samar kasama ang dalawa niyang anak.

Gayunpaman, lagi pa rin daw niyang naalala ang kaniyang kambal na ipinaampon niya sa Mati city sa paglipas ng panahon.

"Pasensiya kasi wala akong magawa nung time na yon," emosyonal niyang mensahe.

Aminado si Janeth na may paaalinlangan siya kung ang ipinaampon niyang kambal na sina Dexter at Daniel ay kung sina Jericho at Rennier nga.

Kaya para sa kaniya, mas maganda kung magpa-DNA test sila para makatiyak. At ito ang isinagawa sa kanila.

Bukod sa malalaman kung si Janeth nga ang ina ng kambal, malalaman din kung talaga nga bang kambal sina Jericho at Rennier.

Samantala, kahit wala pang resulta ng DNA test, nagtungo sina Jericho at Rennier sa dating tirahan ng pinapaniwalaang tunay nilang mga magulang.

Doon nila ipinagdiwang ang papalapit nilang kaarawan at nakilala rin ang mga pinaniniwalaan nilang mga tunay na kamag-anak. Tunghayan ang buong istorya sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News