Dahil wala na umanong pulso, malamig na at nangingitim na ang mga kamay, naniniwala ang mga kamag-anak ng isang lalaki na patay na siya habang nakaratay sa ospital. Nag-iisip na rin sila ng ataol na gagamitin para sa burol. Ngunit makalipas ang limang oras, laking tuwa nila nang bigla umanong nabuhay na muli ang lalaki.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang lalaking si Klet Ramon, 35-anyos, panganay na anak ni Zenaida sa ikalawang asawa, at dating nagtrabahong security guard sa Maynila.

Disyembre noong nakaraang taon nang magkasakit si Klet. Ayon kay Zenaida, may nakasalamuha si Klet na isang matanda na may tuberculosis, at nahawa siya rito.

Dahil sa sakit, umuwi si Klent sa kanilang bayan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Pero malaki na ang ibinagsak ng kaniyang katawan, at hindi bumuti ang kaniyang kondisyon. Hinang-hina umano siya, ubo nang ubo at nilalagnat, ayon sa kaniyang kapatid na si Sandra Venancio.

Kaya dinala na ni Sandra si Klet sa isang ospital sa Cotabato. Madaling araw ng Sabado de Gloria nang mag-agaw buhay na umano si Klet.

Nag-umpisa na ring maghabilin si Klet sa kaniyang pamilya. Hanggang sa nawalan na umano ng pulso si Klet, nangingitim na ang kamay at wala nang dugo ang mga labi, ayon sa kaniyang pamilya.

Kaya ang inang si Zenaida, agad nang inihanda ang magiging burol ng anak.

Sa gitna ng kanilang kalungkutan sa halos limang oras mula nang malagutan umano ng hininga si Klet, tumawag ang isa pang anak ni Zenaida upang ipaalam na huminga na itong muli at nabuhay.

Pumayag si Klet na makapanayam ng team ng KMJS habang nagpapagaling sa kanilang bahay, at inalala ang mga pangyayari noong madaling araw na pumanaw umano siya.

“Wala na po akong nararamdaman. Hindi ko po alam kung patay na ako kasi ang ramdam ko tulog na ako,” sabi niya.

Ayon sa kaniya, meron siyang nakausap sa kabilang buhay sa loob ng limang oras habang "patay" siya.

“Maputing-maputi po siya. Pa-ganito (mahaba) po ‘yung buhok niya. Mataas po 'yung buhok po. Lahat po siya puti po. Sabi ko sa Panginoon, ‘Lord, bigyan mo po ako ng pangalawang buhay.’ Sabi niya, ‘Sige anak, pagbibigyan kita,’ sabi niya, ‘Lumaban ka,’” pag-alala ni Klet.

“Meron pa akong dapat gawin dito sa mundo. I-engganyo ko 'yung mga tao na magbalik-loob sa Kaniya. Pinakita niya sa akin 'yung kung ano ang ganap sa langit o ano ang impiyerno. Sabi niya sa akin, ‘Panalo ka na anak,’” pagpapatuloy niya.

Bago nito, dating naglilingkod sa simbahan si Klet. Ngunit pagpunta niya sa Maynila, nakalimot daw siya sa Panginoon.

“Pasalamat din ako kay Lord, kaya unti-unti na rin siya nagkakain. Masaya talaga ako. Parang naabot ko rin 'yung langit. 'Yung mga nangyari sa kaniya, hindi ko talaga makalimutan,” sabi ni Zenaida.

Tumangging magbigay ng komento o anumang pahayag ang ospital tungkol sa nangyari.

Pero sabi ng isang duktor, may clinical assessment na ginagawa para ideklara ang isang tao kung patay na.

“Base sa kuwento ng pasyente, meron siyang tuberculosis na puwedeng severe. Ang tuberculosis, ‘pag napabayaan, puwede po itong mag-cause po ng severe hypoxemia o pagbaba ng oxygen sa katawan, puwede po itong mag-lead to comatose," ayon kay Dr. Archangel Manuel, internal medicine-pulmonologist.

"Ang pagkamatay ng tao ay nade-determined by clinical assessment. ‘Pag wala itong pulso, wala itong paghinga, wala itong mga brain reflexes, ang isang taong namatay na ay hindi na puwedeng mabuhay,” dagdag niya.

Nilinaw naman ng pamilya ni Klet na walang opisyal na deklarasyon [mula sa duktor] na clinically dead na noon si Klet.

“‘Yung nangyari sa anak ko, totoo talaga 'yun. Hindi gawa-gawa lang, hindi binibiro ang sinasabing kamatayan,” sabi ni Zenaida.

Si Klet, nagpapasalamat sa ikalawang buhay na ibinigay sa kaniya ng Diyos.

“Kung may sasabihin po ko sa Kaniya, maraming, maraming, maraming salamat sa lahat ng binigay Niya sa akin sa pangalawang buhay. Hindi po nila masabing ang Panginoon ay haka-haka. Totoo, totoo ang Panginoon,” saad ni Klet.

Para naman kay Rev. Fr. Jerome Secillano, spokesperson ng CBCP, “Ang turo ng simbahan dito, when a person dies, base sa pagtataya o pagtuturo ni St. Thomas Aquinas, doon lamang niya makikita nang buong-buo ang Diyos. If it is a life and death situation, mahalaga na ipagdasal talaga natin kung sino man 'yung pasyente at ibigay sa kaniya ng Diyos unang una 'yung kagalingan. We pray also for the forgiveness of his sins.”  -- FRJ, GMA Integrated News