Sa pagsalubong sa Bagong Taon, alamin ang mga pagkain na dapat umanong ihanda sa media noche na bukod sa masarap na, puwede pa raw mang-akit ng suwerte sa 2023.

Sa Unang Hirit nitong Biyernes, sinabi ng Feng shui consultant na si Johnson Chua, na dapat maghanda ng mga pagkaing mahahaba tulad ng pansit, noodles o miswa dahil sumisimbolo ito ng mahabang buhay.

Maghanda rin ng mga pagkaing bilog, dahil sumisimbolo naman ito ng gulong ng buhay, na maganda dapat ang takbo at walang bako-bakong dinadaanan.

Ilan sa mga pagkaing bilog na maaaring ihanda ang siopao, donut, at meatballs.

Nagdadala rin umano ng suwerte ang mga pagkaing malalagkit dahil nirerepresenta nito ang "family that sticks together."

Ang seafoods naman ay nagrerepresenta ng tubig, na sumisimbolo ng money at abundance.

Nagpayo si Chua na iwasang maghanda ng "fish fillet." Sa halip, isang buong isda ang ihain dahil nirerepresenta nito na buong darating ang abundance.

Mainam din daw na maghanda ng mga gulay na kulay berde, na nagrerepresenta ng wood, na ang ibig sabihin ay mausbong na buhay, maraming growth at prosperity.

DYI PAMPASUWERTE

Para naman sa mga pampasuwerte sa bahay, maaaring maghanda ng prosperity bowl, o mga nirolyong perang papel na nakabaon sa bigas.

Puwede rin itong samahan ng ampaw, na sumisimbolo ng red flag na siyang aakit ng suwerte papunta sa bigas.

Ayon kay Chua, papasok na sa feng shui ang "Period 9," na nagrerepresenta ng prosperity at success.

Para sa paghahanda, kumuha ng isang mangkok, lagyan ng tubig at maglagay ng siyam na barya, at tiyaking huwag silang magpatong-patong.

Maaari ring magsulat ng lucky wishes bago ang Enero 1. Pero dapat na ilagay ito sa isang pulang sobre saka isasabit sa pinto ng bahay. --FRJ, GMA Integrated News